Sa ilalim ng PROTECT-Peace Project sa pangangasiwa ng Integrated Mindanaons Association for Natives, Inc. (IMAN), nakatanggap ang Kitulaan Ummahat Association mula sa Barangay Kitulaan, Carmen, North Cotabato, SGA-BARMM ng mga set ng sewing machines, textiles, at mga materyales para sa Dressmaking Livelihood noong hapon ng Hunyo 3, 2024.

Ang opisyal na pag-turnover ay ginanap sa Madrasatol Hidaya Norol Islamie, Barangay Kitulaan, Carmen, North Cotabato, SGA-BARMM. Ito’y dinaluhan ni Barangay Captain, Hon. Ombra Acoy, at mga miyembro ng organisasyon. Naroon din ang kinatawan ng GCERF, Country Adviser Atty. Jennifer Buan.

Binigyang puri ni CBCS Project Development Officer Halima G. Alfonso ang mga nanay ng Kitulaan sa kanilang pagiging aktibo sa organisasyon. Ayon sa kanya, bagamat ito’y maliit na inisyatiba, malaking tulong ito sa komunidad, lalo na sa mga inang biktima ng kaguluhan. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng patuloy na monitoring sa asosasyon upang matiyak ang pagiging sustainable ng kanilang kabuhayan.

Kinilala naman ni Hon. Acoy ang malaking suporta na ibinigay ng PROTECT-Peace Project sakanilang barangay. Hinikayat  niya ang mga miyembro ng asosasyon magpasalamat sa oportunidad na ito at palawakin ang kabuhayan na ito.

Nagpahayag ng pasasalamat naman si Ma’am Rahma Bandon Lamada, pangulo ng asosasyon, at nangakong aalagaan at palalaguin ang proyektong ininigay sa kanila.

Samantala, nagpasalamat naman si CBCS Project Officer Alimudin M. Mala sa BLGU Kitulaan sa kanilang suporta sa proyekto. Aniya, ito’y maliit lamang na panimula at kinakailangan itong palaguin upang sila ay mailapit sa BARMM Ministries para sa karagdagang suporta para sa kanila.

Nagbigay naman ng mensahe ng paghihikayat ang kinatawan ng GCERF, Atty. Jennifer Buan. Ayon sa kanya, lubos ang kanyang kasiyahan na makita ang pagtutulungan ng mga ina sa komunidad. Inihayag din niya ang kaniyang suporta sa asosasyon. Aniya, “Sa totoo lang po, kayo po ay isang malaking inspirasyon sa akin bilang babae. I believe that we as a woman, can achieve anything together. Let’s dream big”.

Ang Promoting Resilient and Organized Citizenry towards Empowerment and Community Transformation for Peace in the BARMM (PROTECT-Peace in the BARMM) Project ay isang tatlong-taong kasunduan sa pagitan ng Consortium of Bangsamoro Civil Society, Inc. (CBCS) at Global Community Engagement and Resilience Fund (GCERF) na layuning palakasin ang kakayahan ng komunidad para sa kapayapaan at sosyo-ekonomikong pag-unlad ng BARMM.

By: MONAWARA MAPANDI
Communication and Information Officer
PROTECT Peace Project