Ako po si Bailanie Mongangan, isang ina, parent leader sa eskwelahan, myembo ng Lupong Tagapamayapa sa Rosary Heights 10, Cotabato City at kasalukuyang women leader sa proyektong Applying Binding Bonding and Bridging for for Peace in Mindanao Project.
Sa una bago pa ako makasama sa mga activity ng proyekto ay isa akong tahimik na tao, mababa ang kumpyansa sa sarili atmahiyain. Masasabi kong limitado lamang ang aking kaalaman at karanasan sa mga usaping pangkapagaligiran, pulitika, barangay governance, pag-aayos ng mga problema sa barangay at pamilya. Limitado rin ang nalalaman ko sa usapin na may kinalaman sa karapatan ng mga kababaehan. Hindi rin ako mulat sa papel ko bilang babae sa pagpanday ng isang magandang komunidad na mayroong pagrespeto at pagkilala sa bawat kultura ng ibat-ibang tribu.
Sa aming lugar, halo-halo ang mga tao na binubuo ng mga Muslim, Kristiyano at Muslim. Sa pagsasama namin araw-araw ay hindi maiwasang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan dulot ng tsismis. May hindi pantay na pagtingin sa iba, may biases, prejudices at minsan ay umaabot sa discrimination. Dati halos wala akong pakialam dahil hindi naman ako direktang apektado at meron akong sariling pamilya at negosyo na dapat pagtuunan ng pansin.
Ngunit ang lahat ng ito ay unti-unting nabago ng ako ay maimbitahan sa isang activity ng proyektong A3B sa pangunguna ni Norman Abbas na nakilala ko sa barangay bilang Community Organizer at nagsisilbing Training Officer din. Naghahanap sila noon nga mga lider ng Kababaehan para maimbitahan sa isang seminar nila. Sa una ay alanganin ako pumunta dahil sa pag-aakalang isa lamang itong simpleng seminar dahil na rin sa mga unang experience ko sa pag-attend ng mga seminar sa barangay. Dahil na rin sa instruction ng aming Barangay Chairman na sumali ako ay wala akong nagawa kung hindi sumunod sa kanyang utos.
Sa unang seminar namin na Understanding the Self, may nakasama akong mga dating kakilala habang ang iba ay doon ko pa lang nakilala. Doon ko nalaman ang iba’t-ibang personality ko kasama na ang iba’t-ibang responsibilidad na meron tayo sa ating barangay, pamilya, organisasyon at iba pa. Ito ang nagbigay daan sa akin para ma-engganyo ang sarili na maging aktibo sa mga sumunod pang seminar ng proyekto dahil na rin sa encouragement ng mga nakasama.
Nasundan pa ang seminar na yon kasama na ang Culture of Peace na pinag-usapan ang kultura ng bawat tribu, history ng Mindanao conflict at usaping Peace and Conflict. Sumunod ang Peace and Conflict Mapping kung saan namin napag-usapan ang mga problema na meron kami sa barangay at ang mga posibleng solution na pwedeng makatulong. Isa sa mga tumatak sa akin na activity ang Gender and Peacebuilding Orientation kung saan napag-usapan din ang role ng kababaehan sa pagkakaroon ng mapayapang komunidad. Tinuruan din kami ng tamang pamamaraan sa pag-aayos ng problema kasama na ang Katarungang Pambarangay na akma naman sa pagiging Lupon Tagapamayapa member ko. Maraming pang sumunod na mga activity na nakatulong sa marami at malaking pagbabago sa aking sarili ngayon.
Sa loob ng ilang taong involvement ko sa A3B Project ay masasabi kong sobrang nagbago ang aking sarili mula sa aking pananaw sa buhay, sa aking pakikitungo sa mga tao mapa-Muslim, Kristiyano at IP man, para magampanan ng mabuti ang aking pagiging Lupon, parent leader at bilang ilaw ng aming tahanan. Naramdaman ko din ang pagtaas ng recognition sa akin ng mga kasama ko sa barangay at nagiging adviser na rin ako sa kanila pagdating sa mga usaping pagresolba ng mga conflict sa barangay.
Kung noon ay mahiyain ako at kulang sa kumpiyansa sa sarili ay na overcome ko na ngayon. Kaya ko na makisabay sa mga discussion sa mga seminar, maging emcee sa mga kasal at presiding officer sa mga meeting ng mga kapwa Lupon. Bago lang din ay nahalal ako bilang President ng Parents, Teachers and Community Association (PTCA) sa Cotabato City National High School – Canizares Campus. Naging matatag ako sa pagharap sa mga hamon sa buhay at pamilya at higit sa lahat ay nabigyan ako ng kakayahan para gampanan ang tungkulin sa barangay bilang Lupon Tagapamayapa. Mas dumami at naging maayos ang pagresolba ng mga conflict sa barangay at higit sa lahat nagiging role model sa mga kapwa kababaehan sa aming barangay.
Katunayan, noong June 31, 2018, pumunta ang mga kasamahang kong Lupong Tgapamayapa sa bahay para ipaalam sa akin na ang mga tauhan ng police Precinct Number 2 ay inaresto nila ang isang teenager na lalaking Muslim na resident ng aming barangay dahil sa kasong snatching. Hiningi nila ang aking tulong dahil maaaring isa lamang itong kaso ng Mistaken Identity.
Gamit ang mga natotonan sa trainings katulad ng pagiging connector, pakikipag-negotiate at mediation, agad akong pumunta sa Police Station na pinagdalhan sa biktima. Pagdating ko at mga kasamang leader sa police station ay nalaman namin na ang teenager pala ay residente ng aming barangay at estudyante ng isang high school. Kaapelyedo at kahawig ng kanyang pangalan ang lalaking hinahanap ng mga pulis. Kinausap namin ang mga pulis upang ipaalam sa kanila na hindi ang estudyanteng kanilang hinuli ang hinahanap nila na involved sa snatching.
Dahil sa nakita naming kalunos-lunos na sitwasyon ng estudyante sa loob ng piitan kasama ang mga ibang mga bilanggo, ni-request namin ang mga Pulis na kami na lang mag-custody sa kanya at kami ay pinagbigyan naman ng mga Pulis. Nangako din ako sa mga Pulis na agad asikasohin at i-provide ang school records ng biktima para patunayan na ibang tao ang kanilang hinuli.
Kinabukasan ay tinungo ko ang school principal ng eskwelahan ng teenager para humingi ng kopya ng school records ng bata. Sa kabutihang palad ay nakakuha ako ng hinihingi kong school records ng bata at agad na dinala sa police station. Pagkatapos na ma-verify at ma-validate ang naipasa kong school records ay agad ding na-dismiss ang kaso ng estudyante at tuluyan na syang nakalaya. Dahil sa experience na ‘to tumatak sa aking isip na kaya pala ng isang babae na maka-contribute para sa kapayapaan sa komunidad.
Medyo nakakalungkot lang na kasabay ng mga magandang pagbabago sa aking sarili bilang Women Leader ay kaakibat nito ang ilang hamon para magampanan ko ang isang responsable at epektibong Women Leader. Kabilang sa mga hamong ito ang hindi pantay na pagtingin at trato sa aming mga kababaehan. Kailangan pa ng mas maraming effort para makumbinse ang ibang mga kababaehan na sumali sa mga gawaing may kinalaman sa pagpanday ng Kapayapaan. At siempre, may challenge din sa pagkahati ng aking attention sa mga gawaing panghanap-buhay, bilang ina, bilang Lupong Tagapamayapa, at bilang woman leader sa barangay.
Sa kabila ng mga hamon na ito, inspirasyon ko ang aking pamilya at mga kababaehan sa aming barangay upang patuloy na magampanan ang aking nasimulan, upang maging Role Model din sa ibang Kababaehan. Gamit ang mga natutunan na kaalaman na nakuha ko sa mga activities ng A3B project ay positibo ako na mapatuloy ang aking pagganap bilang isang woman leader na may papel sa kapayapaan sa aking komunidad.
Recent Comments